Miyerkules, Agosto 7, 2013

Kanduri -2

Kanduri ng pamilya para pagbibigay ng pangalan ng bata
(August 8, 2013-Huwebes - Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay  ” (8:00-9:00 A.M) sa segment na “Gabay at Talakayang Pampamilya”. Host –Lucy Duce)

Host/ Lucy: “Nakapunta ka na ba sa isang kanduri ng ating mga kapatid na Iranun, T’duray, Maguindanawon at Meranaw? Kong negative pa o positive na,  never mind, makinig lang  kay Kaka Ali,   dahil  ipapaliwanag sa atin,  ano itong  ang Kanduri na sinasabi natin ”

(PLAY INTRO- Gabay at Talakayang Pampamilya)

Host/ Lucy: “Good morning Kaka Alih.” 
  
Kaka Alih:  Good morning Lucy, Magandang umaga sa lahat ng mga Kapatid at Assallamu alaikum warahmatullahi wabarakatuh sa mga kapatid sa Pananampalatayang Islam.

Kanduri ang tamang pronounciation kong Iranun version, at kong Maguindanaon at sa Teduray  ay pronounced na Kanduli, ang ibig sabihin  ay pasasalamat (thanksgiving) sa Poong Lumikha (Diyos).

Ang kanduri o kanduli ay bahagi na ng kultura ng mga Bangsamoro na Iranun, T’duray, Maguindanawon,  Meranaw atg iba pang tribu.

Madalas na kasabay ng kanduri ay pagana o kapagana (feast), halos pareho ang dalawang adat-betad (custom and tradition) ng mga Bangsamoro.   Parehong   pagpapakain sa mga panauhin ang    kaibhan lamang ay ang Niyat (layunin).

Ang kanduri ay maaring isinasagawa  dahil may hinihiling sa Allah, sa Poong Lumikha o nagpapasalamat sa mga biyayang nakamtan.

Ang Pagana (feast) naman ay pagpapakain sa mga inaanyayahang mga panauhin bilang bahagi ng pagsasaya dahil sa mga nakamtan na tagumpay.

Ang madalas,  ang pagana ay kanduli na ring matatawag.  Kung minsan kapag may pagana ay nagkakanduli na rin.  

Ang kanduri o pagana ay parehong,  ang mga pagkain ay inilalagay sa talam o bandihaw (big food tray, talam made of brass and bandihaw made of tin). Nasa gitna ang kanin na nakalagay sa plato, at napapalibutan  ng pitong platito kong saan nakalagay ang pitong klaseng ulam. Tinatakpan ang talam ng tudong (food cover) na gawa sa dahon ng anahaw, niyog o nipa.

Ang madalas o ang paborito  na nakalagay na manga ulam ay manok, sinina (lutong karneng kambing o baka) pansit, bihon, itlog, monggo,  at iba pang masasarap na lutong Bangsamoro.

Sa ganitong mga okasyon, asahan mong may ihahain na minatamis na lutong Bangsamoro tulad ng dudol, tinadtag, amik, kumukunsi, tipas, balubed at iba pa.
May kuwento akong medyo  nakakatawa, ganito  ang kuwento:

“Na, mahirap maging Muslim”. Bakit? ang tanong ko agad sa isang nagkukuwentong kaibigan na Kristiyano, na wala pang gaanong kaalaman sa kultura, kaugalian at pananampalataya ng mga kapatid na Bangsamoro. Pakinggan natin ang karugtong ng kuwento ng ating Kapatid na Kristiyano.

Inimbita kami sa isang Kanduli, naku ang sarap ng mga luto at ang gaganda ng mga pandala (decoration)  ng kanilang bahay, pati ang lalagyan ng pagkain ay may decoration, na nakapatong sa sahig na nilagyan ng ikam (floor mat) na may magaganda din desinyo. At Habang kami ay kumakain ay may nag-iikot na mama at bawat isa sa bisita ay binigyan ng pera. At ang  tawag daw dito ay sadka (charity) at alam mo Kaka Ali? ng umuwi na kami,  may nakabalot pa na minatamis na mga  pagkain, na tinawag naman nilang “bring home”.  Kaya Kaka Alih, nasabi ko sa aking sarili, di ko kayang mag-Muslim, pinakain  na kami, binayaran pa kami    at binigyan pa kami ng  baun.”  Paliwanag ng ating kumpare. (LAUGHING)

Alam mo kaibigan, bahagi na yang aming kultura at ang pag-aakala ng iba ay ang kanduli ay isang rituwal na bahagi ng katuruan ng Islam.

Kung papaano ginagawa ng mga Bangsamoro ang kanduri noon at ngayon ito ay nabibilang sa kanilang  kultura at kaugalian, hindi sa Islam. Kung sakali mang may bahagi ng pananampalataya ng Islam ay maliit na bahagi lamang.

Dapat nating malaman Kapatid, na hindi lahat ng kultura at kaugalian o ginagawa ng mga Bangsamoro Muslim ay katuruan ng Islam. Tama na ang sinasabi nila na ang kultura at kaugalian ng mga Bangsamoro ay hinalaw o hinango sa katuruan ng Islam, ngunit hindi nangangahulugan na ito ay bahagi ng Islam.

Ang Banal na Aklat, ang Quran ang unang batayan ng katuruan ng Islam ay nagsabi na ang pagdagdag  at paglalabis sa Gawain o katuruan ng Islam ay tinaatawag na Bid’ah (innovation). at ang lahat ng bid’ah ay pagkaligaw.

"O sangkatauhan, matakot kayo kay Allah at sabihin (tuwina) ang katotohanan. Papatnu- bayan Niya kayo sa mga mabubuting gawa at patawarin Niya kayo sa inyong mga kasalanan . At ang sinumang sumunod kay Allah at sa kanyang Sugo, tunay na kanya nang natamo ang dakilang tagumpay. (Qur'an 33:70-71)

Alamin, na ang pinakamakatotohanang salita,  ay ang Aklat ng Allah (Ang Banal na Qur'an) at ang pinaka mabuting patnubay ay ang patnubay ni Muhammad (sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan). Ang pinakamasama sa lahat ay ang mga gawa-gawa (na lihis sa tunay na aral ng Islam) at ang bawat gawa-gawa (na mga bagay tungkol sa relihiyon) ay bid'ah at ang bawat bid'ah ay pagkakaligaw at ang bawat pagka kaligaw ay Impyerno ang hantungan.

Kahit anupaman, ang bawat tao na gumagawa (umiimbento) ng pagbabago (sa religion) at kanyang iniisip na siya ay napapalapit kay Allah sa pamamagitan nito – maging ito man ay sa paniniwala, sa gawa at sa salita – katunayan siya ay naligaw. Ito ay ayon sa kasabihan ng Propeta Muhammad SAW.

“Mag ingat sa mga bagong bagay (sa relihiyon), sapagkat ang lahat ng pagbabago (o pag-iimbento) sa relihiyon ay bid’ah, at ang lahat ng bid’ah ay pagkaligaw, ang lahat ng pagkaligaw ay mauuwi sa Apoy. [Hadith-Abu Daawood, Tirmidhee; Saheeh).

Ang pagpapakain, pamimigay ng regalo at pagmamagandang loob sa kapuwa ay isang gawain na iniuutos ng Allah o katuruan ng Islam. At ang Kanduli ay napapaloob dito ang tatlong nabanggit ngunit hindi nangangahulugan na ito ay isa sa kautusan ng Allah.

Ang Kanduli ay bahagi ng kultura at kaugalian, sa ibang Muslim sa ibang parte ng mundo ay hindi nagkakanduli.

Bagamat hindi bahagi ng Islam ang kanduli,  ito ay patuloy na ginagawa ng mga Bangsamoro Muslim,  dahil isa itong maituturing na kultura at kaugalian na hindi sumasalungat sa Islam, ngunit alalahanin palagi na ito ay hindi ipinag-uutos ng Allah sa mga Muslim, ito ay bahagi ng kultura at kaugalian ng mga Bangsamoro.

Ito ang inyong kapatid na Iranun na Bangsamoro, at inyong segment writer sa Gabay at Talakayang Pampamilya.. Kaka Ali, Wassallamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh.

Host/ Lucy: Maramaing salamat Kaka, sa napakagandang  kaalaman na  yan, na iyong ibinahagi, kaya  mga giliw naming tagapakinig, abangan bukas ang segment ni ni Kaka Ali na Gabay at Talakayang Pampamilya, dahil tiyak marami kayong mapupulot na aral at impormasyon.
(EXTRO)



2 komento: