Linggo, Hunyo 2, 2013

Zakah at Buwis

(Hulyo 23, 2011-Lunes - Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay  ” (8:00-9:00 A.M) sa segment na “Gabay at Talakayang pampamilya”. Host Noralyn Bilual)

Host/Noralyn:  Ang Buwis at Zakah  ay parehong binabayad o ibinibigay  ng mamamayan, ang pagbabayad dito ay by percentage   mula sa kita o income.  Ano ang pagkakaiba at pagkakapareho ng buwis at Zakah?

Ang kasagutan ibabahagi sa atin   ni Kaka Ali   sa ating segment na Gabay at Talakayang pampamilya”. (PLAY-INTRO Gabay at Talakayang pampamilya”.)

Host/Noralyn:  Magandang umaga Kaka.

Kaka Alih: Magandang umaga din Nancy,    Assallamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh,.

Alam natin na ang nagpapatakbo sa   ekonomiya ng ating pamahalaan ay mula sa buwis na ibinabayad ng mamamayang Pilipino at mga Banyaga.

Kaya naman ang gobernó ng bansang Pilipinas ay nangongolekta ng buwis o tax  sa kanyang  mga  mamamayan.

Ang  buwis na   ito   ang ginagamit sa operasyon o pagpapatakbo ng kanyang  pamahalaan.

Inilalaan ang mga nakolektang buwis sa suweldo ng mga opisyal at empleyado ng gobernó,  sa mga proyektong  para sa kaunlaran o development.

Alam ba ninyo na marami ang uri ng buwis o tax sa Pilipinas?

Andiyan ang tinatawag personal tax, excise tax, direct tax,  indirect tax , national tax,  local tax,   progressive tax, regressive tax, VAT,   EVAT,  toll tax,  sin tax, at ad-balorem tax.

Ang sin tax  o buwis sa “kasalanan” ay mula sa buwis ng sigarilyo at alak na makalasing, na pawang ipinagbabawal o Haram sa Islam .

Ang Kawanihan ng Rentas Internas (BIR) (Inggles: Bureau of Internal Revenue) ay isang ahensiya ng pamahalaan ng Republika ng Pilipinas na nasa ilalim ng Kagawaran ng Pananalapi na naglilikom ng mga iba't ibang uri ng buwis sa bansa. Ito ay naglilikom mahigit sa kalahati ng kabuuang kita ng pamahalaan. At mga lokal na pamahalaan, bagmat ang  ibang kagawaran o ahensiya  ay binigyan din ng karapatan na mangolekta ng  buwis, halimbawa ay ang local government unit (LGU).

Nor, alam mo ba na sa Bansang Indonesia, na katulad din natin na  isa ring demokratikong bansa, katulad ng Pilipinas, ay  nangongolekta rin ang gobernó nito,  ng mga buwis o tax sa mga mamayan nito at ito rin ang ginagamit sa pag-papaunlad ng kanilang bansa?

Host/Noralyn:  Ganoon ba Kaka? Please continue …

KAKA ALIH: Yes Katulad sa ating  bansang Pilipinas, ang  mga mamamayan ng Indonesia na Muslim ay nagbibigay din ng Zakah, katulad ng mga Muslim sa Pilipinas, nagbabayad din ng buwis.

Host/Noralyn:  Ano naman ang ibig sabihin ng Zakah? Please paki-paliwanag naman Kaka Alih.

KAKA ALIH: Ang Zakah ay isa sa limang haligi ng Islam,  ito ay  ibinabayad o ibinibigay  ng mga Muslim mula sa kanilang kabuhayan o ari-arian.

Ang Zakah ay obligasyon ng bawat Muslim na itinakda ng Poong Lumikha. Iniutos sa mga Naniniwala na  bayaran o magbigay  ng   Zakah na  may sapat na kita o kayamanan.

Isa sa batayan sa pagbabayad ng Zakah ay dapat ang isang tao ay Muslim, at hindi ito kinukuha o kinokolekta  sa mga di-Muslim.

Ang Pilipinas at Indonesia ay parehong nangongolekta ng buwis sa mamamayan nito. Sa Pilipinas ay nagbabayad din ng Buwis ang mga mamamayan nitong Muslim at nagbabayad din ng kanilang Zakat.

Ang kaibhan ng dalawang bansa?  ay ang bansang Indonesia ay binibigyan halaga  ang mamamayan nitong mga Muslim.

Bakit ko ito nasabi? Halimbawa sa mga  Muslim na nagbabayad ng Zakah,  ay ibabawas sa kanilang bababayarang buwis ang mga halaga ng kanilang ibinayad sa kanilang Zakah.

Ang isa sa mga nag-iipon ng kanilang Zakah sa Indonesia ay ang Dompet Dhuafa, dito sa Pilipinas ay may kahantulad na organization ito ay kilala sa tawag na Lugnatul Awliya.

Host/Noralyn:  kaka Alih, matanong ko lang   Saan naman ginagamit ang nakolektang  Zakah?

KAKA ALIH: Tulad sa buwis, ay ginagamit ito sa pagtulong sa mga mamamayan, sa kanilang personal at pamayanang pangangailangan.

Maaring maitanong mo,  maitanong ninyo, "Ano ang layunin ng Zakah sa relihiyong pananaw?"



Ang Zakah ay isang pamamaraan ng Ibadah na ang pangunahing layunin ay ang pagpapaunlad ng ispirituwal na pamumuhay ng isang Muslim. Ang kawanggawa na ibinibigay ng mga mayayaman ay nakatutulong upang ang kanilang mga puso ay maging malinis laban sa kasakiman at karamutan. Ang Zakah ay nagtuturo rin upang masanay ang tao sa pagbibigay sa kapuwa. Ang mga mahihirap naman ay magkakaroon ng magandang kaisipan at mawawala sa kanilang puso ang inggit at selos.

Nariot ang ilang patakaraan ng pagbibigay ng  Zakah.

Para maging wajib o compulsory ang Zakah , ang mga sumusunod ay dapat matupad:

Ang isang Muslim ay dapat na nasa hustong pag-iisip at gulang.   Walang obligasyon sa pagbibigay ng Zakah ang mga kulang ang isip sapagkat hindi sila responsable sa kanilang mga gawa o kilos.

Ang isang Muslim ay dapat na may naipong yaman o salapi na higit sa kanyang pangangailangan.

Ang naipong yaman o salapi ay dapat na higit sa hangganan ng Nisab (itinakdang minimum).

Ang naipong yaman o salapi ay dapat na nasa kanya na lagpas sa isang taon.

Ang halaga ng bayad sa Zakat ay 2.5% sa net income para sa mga negosyante at tumanggap ng kita mula sa suweldo at 5-10% mula sa kita agricultura.

Ang halaga ng Zakah na dapat bayaran ay 2.5% mula sa mga halagang naipon sa loob ng isang taon at 5-10% mula sa kita agricultura.

Sa pamamagitan ng pagbabayad o pagbibigay ng Zakah, pinapawi nito ang pagiging dukha at kahirapan sa pamayanan ng mga Muslim at inaako sa maaaring kasamaan na magmumula dito, gaya ng nakawan, patayan at ang paglabag sa kapakanan ng mga tao.

Binubuhay ng Zakah  ang kasiglahan ng pagtitiwala at pangkapatiran sa pamayanan ng mga Muslim sa pagbabayad ng Zakah sa mga dukha at mahirap.

Host/Noralyn:   Ang tanong ko ulit ay  sino ang dapat makatanggap  ng Zakah?

KAKA ALIH:  Mayroon walong (8) uri ng mamamayang Muslim na inilarawan ng Qur’an bilang mga taong nararapat tumanggap ng Zakah.

1. Fuqara (Ang Mga Kapuspalad)-Sila ang mga taong umaasa lamang mula sa tulong ng kapuwa. Sila ay maaaring mga ulila, may kapansanan, biyuda o biyudo mga matatanda, walang mga hanapbuhay.

2. Masakin (Ang Mga Dukha o Mahirap). Sino ang mga tinatawag na Dukha?  Sino man ang hindi nagkaka-income ng sapat upang tugunan ang kanyang pangangailangan ngunit hindi namamalimos o hindi nakikita sa kanyang ang pagiging mahirap, siya ay isinasaalang-alang bilang dukha (masakin).

Ang ibig sabihin nita ay ang isang dukha ay taong mahirap ngunit dahil sa kanilang paggalang sa sarili hindi nila magawang humingi o mamalimos. Kaya ang komunidad ng Muslim ay nararapat magsiyasat kung sino ang mga taong ganito ang kalagayan upang matulungan sa kanilang pangangailangan.

3. Amilina Aalaiha (Ang Taga-Paningil o collector ng Zakah).  Sila ang mga taong inutusan ng Islamikong Pamahalaan na maningil ng Zakat. Sila ay dapat bayaran mula sa Kaban ng Zakat.

4. Muallafat-ul-Qulub (Mga Bagong Kasaping Muslim).  Sila ang mga bagong kasapi ng Muslim na dapat bigyan upang tulungan sa kanilang pagbabagong buhay.

5. Ar Riqab (Ang Pagpapalaya ng Alipin).  Sila ang mga taong nagnanasang makalaya mula sa pagkakaalipin. At dahil sa panahon ngayon ay wala ng ganitong kalakaran, ang dapat bigyan ay yaong mga taong nakakulong ng dahil sa kanilang walang kakayahang magbayad  sa itinakdang salapi ng korte. Sila ay nakakulong dahil maaaring sila ay nagkaroon ng mga aksidente.

6. Al-Gharimin (Mga Taong May Utang). Sila ang mga taong baon sa utang . Hindi naman ibig sabihin ay dapat tulungan ang isang taong nagkautang ng dahil sa kanyang kapritso at walang katuturang paggasta. Ang Al-Gharimin ay mga taong nagkakautang ng dahil sa mga di-maiwasang pangyayari o ng dahil sa kanilang pang-araw-araw ng pamumuhay.

7. Fi-Sabilillah (Sa Landas ng Allah).  Sila ang mga taong nakikipaglaban upang mapanatili ang Batas ng Allah. Bagamat ang isang taong nagsasagawa ng Jihad ay may salapi, hindi naman niya maaaring sarilinin ang gastos ng jihad. Kailangan din na ang lahat ay dapat magbigay para sa fi-sabilillah.

8. Ibn-us-Sabil (Mga Taong Naglalakbay).  Ang naglalakbay ay maaaring may konting salapi ngunit dahil sa malayong paglalakbay kinakailangan niya ng karagdagang salapi, siya ay nararapat tulungan mula sa Zakah.

Ito po ang inyong Kapatid  na si  Kaka Ali  na naghihikayat sa ating lahat ituloy ang pananaliksik ng karunungan, katulad ng sinabi ng Propeta Muhamad SAW “Seek knowldege from the cradle to the grave” hanapin mo ang karunungan mula sa duyan hanggang sa libingan.  Bukas…mas lalo nating paiigtingin ang ating ibabahagi sa ating programang buhay buhay sa DXUP FM..  Sukran and Wassallam

Host/Noralyn:  Maraming salamat Kaka Alih, muling abangan bukas ang ating segment na gabay at talakayang pamapamilya, at muli ninyong makakasama si Kaka Ali.,


(PLAY-EXTRO- GABAY AT TALAKAYANG PAMPAMILYA)

Note: ang article na ito ay naipost na sa blog na DXUP.MULTIPLY COM (dated Hulyo 23, 2012) at dahil nagsara na ang Multiply, ay minabuti naming ipost muli sa bagong  blog: DXUP Teleradyo..(.from admin: Alih Anso)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento