Martes, Hulyo 30, 2013

Tubig at Punong Kahoy-2

Part of the Romagonrong Fall in Barangay Nangi. 

 (July 31, 2013-Miyerkules Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay ” (8:00-9:00 A.M) sa segment na “Gabay at Talakayang Pampamilya”. Host – Ms.  Lucy Duce)

LUCY:  Alam natin, na sadyang mahalaga ang tubig sa buhay ng tao,  ganoon din ang punong kahoy,  kaya naman sa ating segment na gabay at talakayang pampamilya ay bibigyan buhay ni Kaka Ali ang mga biyaya na ito ng Diyos sa tao, kaya heto ang tatalakayin niya sa ating segment   ay     Tubig at Punong Kahoy. 

(PLAY INTRO)

LUCY:  Magandang umaga,  Kaka Ali.

KAKA ALIH:  Magandang umaga naman Lucy at  Assallamu Alaikum Warahmatullahi  Wabarakatuh, sa mga kapatid na  nanampalataya sa Islam.
Alam natin lahat na  mahalaga ang tubig sa buhay ng tao, ang iba nga lamang diyan ay di nila binibigyan halaga, o talagang wala silang pakia-alam.  
     
LUCY:  Siya namang tunay Kaka Alih, sang-ayon ako sa inyo, na pag nawala ang tubig, tiyak uhaw ang aabutin natin, at ang mga tanim ay malalanta at baka tuluyang mawalan ng buhay.

KAKA ALIH:   Tama ka diyan, Lucy, di  lang tao at tanim, pati hayop at sa iba pang nilalang ng Diyos, tiyak mamatay dahil kailangan ng ating katawan ang tubig. Hindi   tayo    mabubuhay ng walang tubig. 

Maitanong mo kaibigan, gaano karami  ang tubig sa  mundo?
Ayon sa pag-aaral, ang mundong ating sinilangan ay  may kabuuan na 97% na  karagatan (tubig dagat), 2% ang naging yelo sa North at South poles 1% ilog tabang,  mga lawa, mga natatagong balon at bukal.

LUCY:  Sa katawan ng tao, Kaka Alih? Gaano naman  karami ang tubig?

KAKA ALIH:   Sa katawan naman ng tao, gaano karami ang tubig?,  ang tubig natin sa katawan  ay  70%,    na bahagi  ng katawan ng tao ay tubig.  Sabi nga nila  matitiis mong magutom ng isang linggo, ngunit kapag nawala ang  tubig tiyak maghihiwalay ang iyong kaluluwa at mortal mong katawan therefore patay ka. (LAUGHING)

Nilikha ng Diyos ang tubig para sa tao at kanyang mga nilikha.  Ngunit ang masaklap nito ay walang nakakaalam kung saan nang-gagaling ang tubig.  Ang alam natin  ito’y paikot-ikot lang sa mundong ito.  Ito’y pumapatak na ulan sa lupa, pagkatapos ay muling nagbabalik sa kalawakan sa paghigop ng init ng araw at sa pamamagitan ng mga halaman.

Alam mo  Lucy, noong unang panahon, di ko naabutan, nabasa  ko lang ha,    tao ang lumalapit sa tubig,  dahil sa kakulangan ng teknolohiya, di kasi  alam ng tao ang    paraan  papaano lumapit ang tubig sa tao.

Subalit dahil ang tao ay binigyan ng Diyos ng talino, di tulad ng ibang nilalang tulad ng hayop kaya naman dapat  nating pasalamatan araw-araw sa Poong Lumikhaang tanlinongito na pinagkaloob sa iyo.

Ok balikan natin ang tubig,  di nagtagal ay natuto ang tao na humukay ng balon para mapalapit sa kanya ang tubig.  At iyan kapatid na nakikinig   ang kauna-unahang “water system”    hanggang sa ngayon ay ginagamit  pa rin ang mga balon bilang source ng tubig inumin, kaya lang konting  ingat, kailangan may takip ang mga balon. 

At dahil nga sadyang may angking talino ang tao na binigay ng Allah, hindi nagtagal ay muling nakatuklas ng ibang teknolohiya ang angkan ni Adam at Eba,  sa mga pook na may bukal o ilog, natuklasan ng tao na maaari palang mapaagos sa mga tahanan ang tubig sa pamamagitan ng kawayan, at nitong kalaunan  ay nadiskubre na pwede din sa  tubo na bakal at ngayon ay nadiskubre naman ay  itong Polyvinyl chloride o lalong kilala sa  PVC o ang matigas na plastic .

Sa ngayon iba’t-iba ang pinang-gagalingan ng tubig.  May umaagos mula sa bundok.  May siyudad naman na mula sa ilog at lawa umaasa.  Ang iba ay  nagbabaon ng tubo sa ilalim ng lupa    hanggang sa bukal ng tubig o yaong tinatawag na deep well.
May nabasa ako na noong unang panahon, ang tubig ay pinakukulo at sinasala, upang ito’y luminaw at maging masarap inumin gaya sa India, may 4,000 taon na ang nakakaraan.
Sa Ehipto noong araw, sa ilog Nilo o  Nile river   sila sumasalok ng inumin at ito’y tinitinggal nila sa malalaking tapayan.  Pagkatapos na tumining ang buhangin at putik ang tubig ay saka pwedeng inumin.
Sa Gresya ay ganoon din…pinakukulo at sinasala ang tubig.  Iyon ang turo sa kanila ni Hipocrates, ang Ama ng mga Manggagamot.

Kaya kapatid magpasalamat tayo  sa Diyos, dahil sa bayan ng Upi safe ang tubig inumin kahit hindi  na pakuluan o itinggal gaya sa Egypt.

Taong 1850 natuklasan ng mga dalubhasa,  na ang tubig ay maaaring magdala ng sakit, kaya sinasala nila itong mabuti bago gamitin.  Ang mikrobyo at iba pang karumihan ay naibubukod sa paraang ito.  Pero ang mga mikrobyo gaya ng tipos ay napakaliit para masala at ang iba naman ay sa loob mismo ng mga tubo dumadami.

At dahil nga sadyang may angking talino ang tao, na bigay  ng Diyos, natuklasan nito na ang klorina (chlorine)  ay mabisang pamatay-mikrobyo, na kinikilala ngayon sa buong mundo na  pamuksa sa peste na ito.  Kaya’t halos lahat ng malaking siyudad ay nagkoklorina na ng tubig-inumin, kaya kong minsan mapansin natin sa ating supply ng tubig sa gripo, na pumuputi at medyo nag-iiba ang lasa.

Maraming teknilohiya ang nadiskubre ng tao, tulad halimbawa na ang tubig  sa ilog, ay pinaaagos sa mga daluyang may sala, nang di pasukin ng isda at iba pang naaanod na bagay. Kong nasa tangke na ito  ay hinahaluan naman ng mga sangkap na gamot upang tumining ang dumi.  Kong minsan may mga gamot (chemical) ang inihahalo dito para sumarap ang lasa, maging sariwa ang tubig at mapawi ang kulay at masamang amoy.  

Ang iba naman ang  “ginamot” (treated) na tubig ay pinaaagos sa sadyang tinggalan (maaring tangke o semento na doon iniimbak ang tubig)  at dito pinatitining ang iba pang mabibigat at naglutang na dumi pagkatapos nito pinararaan pa uli at sinasala ang tubig sa mga sapin-saping karbong antrasito o buhangin at graba na may iba-ibang laki para maibukod ang mas pinong karumihan.

Sa ngayon ang mga dalubhasa ay maingat na sinusuri ang kalagayan ng tubig upang maging ligtas na inumin ng tao.    Nagbubukod sila ng mga “sample” na sinusuri naman sa laboratory.

Sa mga siyudad o poblacion na tulad natin, ay bumubuo sila ng  “waterworks system” (samahan na siyang mamahala sa tubig) na siyang namamahala sa tubig na dumadaloy mula sa pinang-gagalingan patungo sa mga bahay. Pananagutan at tungkulin ng  samahan na ito  na magkaroon ng malinis at sapat na tubig na maaasahang lagi ng isang bayan.  Wala silang layunin kundi  mabigyan ng 24 oras na daloy ng tubig at pangangalaga sa planta at mga kasangkapan noon.

Sa bayan ng Upi ay mapalad tayo,  dahil mayroon tayong mapagkunan ng tubig, ang Romagonrong Falls, at sa kasalukuyan ay may proyekto ang bayan natin na pinadadaloy o pinaagas mula Romagonrong hanggang dito sa Barangay Nuro, upang sa gayon may mainom tayong mga tao of course kasama na siyan ang mga hayop. Kaya katungkulan ng bawat mamayan ang pagpapabuti at pangangalaga ng ating “water system” na itinayo o binuo natin, upang matustusan ang dumaraming mamamayan at ang kanilang pangangailangan sa tubig na inumin.

LUCY:  Kaka Alih, papaano pangalagaan ang tubig?

KAKA ALIH: Tulad ng nasabi natin Dahil sadyang  mahalaga ang tubig sa kalinisan ng kapaligiran, sa kalusugan ng mga mamamayan at kaligtasan ng bayan.

Ganoon din sa pagpatay ng sunog.  Paano kung walang dumadaloy na tubig  sa gripo o di sapat na tubig?  Di lang libo kundi milyon-milyong piso ari-arian ang magiging abo.  Bukod pa ang buhay ng tao.

Kaya alagaan natin ang pinanggalingan ng ating tubig. Ang isa sa nagpapanatili sa tubig sa ating kabundukan ay ang mga punong kayong, lalo na yaong malalaking punong kahoy.

Kaya naman ang ating LGU Upi, ay may mga programa sa pangangalaga ng ating kapaligiran. Isa sa components o bahagi nito ay pagtatanim at pangangalaga ng mga punong kahoy sa ating mga watershed area. Halimbawa ng water shed area sa Upi ang nasa Barangay Nangi, sa Romagonrong Falls na ang area ay sakop ng Barangay Nangi at Ganasi sa Upi, kasama na dito ang ilang bahagi ng South Upi tulad ng Barangay Looy at Lamud.

Ang lahat ng mga mamamayan ay hinihikayat na pangalagaan ang mga punong kahoy na ito, higit lalo ang mga nasasakop ng mga water shed area na ito. Hindi tayo dapat magputol ng mga puno dito, ang nararapat pa nga ay magtanim tayo dito ng puno.

Pangalagaan ang kapaligiran, dahil ito ay pangangalaga din sa susunod na salin lahi.

Sukran,  ito po ang inyong Kapatid na Bangsa Moro .. Kaka Alih .. Wassallam

LUCY:  Maraming Salamat Kaka Alih, sa kumpletong rekado  na yan, na  pangangalaga sa ating kaliksan, mga kapatid bukas muling abangan si Kaka Ali sa ating segment na gabay at talakayang pampamilya, at tinitiyak ko sa inyo  na maeenjoy kayo, at maraming mapupulot na aral..


(PLAY-EXTRO- Gabay at Talakayang Pampamilya)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento